Tampok sa KOMIKON 2012
mula sa:
http://www.facebook.com/kikomachinekomix?filter=1
http://www.beerkada.net/
Martes, Mayo 29, 2012
Si INTOY sa mga Panulat ni EROS ATALIA
Isa si Eros Atalia sa mga nagiging popular na manunulat sa Pilipinas. Ang mga aklat niya ay nakikipagsabayan sa popularidad ni Bob Ong pagdating sa mga pahayag na maloko man ngunit may 'laman'. Kung sa kahusayan niya sa pagsulat ang tatanungin, sa tingin ko ay magaling siya sapagkat hindi ako nagsasawang basahin siya. Kung duda pa rin kayo, maghanap kayo ng BIO-DATA niya pagdating sa mga nakamit niyang karangalan sa pagsulat. Ang katangi-tangi lamang kay Eros ay madalas na mapapansin sa mga aklat na isinulat niya ang dalawang bagay, si INTOY at ang mga Flash fiction o Dagli na paborito niyang isulat.
Nagsimula (marahil) ang mga kalipunan ni Eros ng kanyang mga sinulat sa aklat na TAGUAN-PUNG AT MANWAL NG MGA NAPAPAGAL. Ang aklat na ito na inilimbag ng University of Santo Tomas Publishing House kung saan ay bahagi ng siya ng faculty nito. Nahahati ang aklat na ito sa dalawa, una ay ang TAGUAN-PUNG na koleksyon ng kanyang mga dagli o flash fiction. Ang ikalawang bahagi naman ay tila isang nobela ng pangyayari kay Karl Vlademir Lennon J. Villalobos a.k.a Intoy at ang kanyang depresyon na nauwi sa iba' ibang uri ng pagpaplano ng pagpapakamatay.
Ang ikalawa (at ang iba pang sumunod) na aklat ni Eros na may pamagat na PEKSMAN (MAMATAY KA MAN) NAGSISINUNGALING AKO ay inilimbag ng Visprint (Visual Print Enterprises) na naglimbag din ng mga aklat ni Bob Ong. Sa bagong aklat na ito ni Eros ay makikita ang pormat na ginamit niya sa nauna niyang aklat ngunit baligtad lamang ang ayos; mauuna ang nobela niya tungkol kay Intoy at ang paghahanap nito ng trabaho. Sari-saring paksa ang pinag-uusapan sa nobelang ito na pahiwatig sa mga magyayari sa susunod na nobela kung sakali man. Ang ikalawang bahagi ay koleksyon din ng mga dagli o flash fiction.
Ang pinakapatok na aklat (yata) ni Eros Atalia ang kanyang pangatlong aklat mula sa Visprint, LIGO NA U, LAPIT NA ME. Isinapelikula bilang isang Indie film tampok sina Edgar Allan Guzman bilang Intoy at Mercedes Cabral bilang Jenny. Kaiba sa nauna niyang aklat, nobela lamang ang laman nito na patungkol sa kwentong pag-ibig diumano ni Intoy sa isang babaeng nagngangalang Jenny, isang liberal na babae. Hindi sila naging magkasintahan ngunit 'friends with benefits' lang daw. Nauwi sa pag-ibig, hindi naging maganda ang wakas ng nobelang ito ngunit may tanda ng pag-asang makikita...
Ang ikaapat na aklat ni Eros, WAG LANG DI MAKARAOS, ay kalipunan ng 100 dagli o flash fiction. Makikita sa aklat na ito ang elemento ng kadiliman at kamatayan ngunit kung babasahin ang nilalaman, makikita ang mga bagay na mapagtatanto mong totoo nga...
Ang ikalima at pinakabago sa mga oras na ito ay ang IT'S NOT THAT COMPLICATED,karugtong na nobela tungkol kay Intoy, ang paghahanap niya kay Jenny at pagkakakilala niya kay Tina. Isang aklat na panapos, kundi man pangwakas, ayon na rin sa panimula ni Eros sa aklat na ito.
PAGKAKASUNOD-SUNOD NG AKLAT NI EROS BATAY SA MGA PANGYAYARI KAY INTOY
Si Intoy ay isang taong palaisip at mapagkomento sa mga pangyayari sa nobela ni Eros. Mga bagay na sa loob lang napoproseso ngunit hindi inilalabas. Isang komplikadong karakter ngunit maaari ding sumalamin sa bawat isa sa atin ng tunay nating naiisip.
Kung ang pagbabatayan ng mga pangyayari kay Intoy ay batay sa pagkakalabas ng mga aklat ni Eros bawat tao, magulo ang istorya (bagamat pwedeng isipin na isang hiwalay na nobela ang bawat isa). Kaya para sa akin, ganito ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa buhay ni Intoy:
Nasimula ang lahat sa LIGO NA U, LAPIT NA ME kung saan ang isang pangkaraniwang estudyate sa isang state university na si Intoy ay binulabog ng isang Jenny kaya naging makulay ang buhay ng ating bida. Pagkaraan ng matamis-mapait na pangyayari, sinundan ito ng mga tagpo sa PEKSMAN (MAMATAY KA MAN) NAGSISINUNGALING AKO kung saan ay makikita sa buhay ni Intoy ang hirap sa dalawang bagay: paghahanap ng trabaho pagkatapos mag-aaral at ang paglimot kay Jen. Susundan ito ng nobelang IT'S NOT THAT COMPLICATED na makikitang nakahanap na ng trabaho si Intoy sa isang kompanya bilang bahagi ng isang creative department ngunit naroon pa rin ang paghahanap kay Jen na tinaka niyang limutin sa pamamagitan ng kanyang boss na si Tina. Kung ano ang mga huling pangyayari ang sasagot sa problema ni Intoy. At sa huli, dahil sa depresyon, mangyayari ang hindi maganda sa MANWAL NG MGA NAPAPAGAL (PAGPAPAKAMATAY). (Pagkakasunod-sunod: (1) 3rd aklat, (2) 2nd aklat, (3) 5th aklat, (4) 1st aklat).
(Hindi sa naghihimasok ako sa paraan ng pagsulat ni Eros Atalia kaya ko ginawa ang pagsusunod-sunod. Ideya o opinyon ko lamang ito. Pasensya na kung sakaling may naapakan akong karapatan.)
FLASH FICTION O DAGLI
Sa lahat ng popular na aklat at manunulat, tanging si Eros lamang (yata) ang nakapagsumikap at (marahil) nagtagumpay sa pagpapabasa sa mga tao ng isang uri ng panitikang tuluyan o prose; ang flash fiction o dagli. Bagamat mukhang isang liberal na anyo ng panitikan, makikita sa mga panulat ni Eros ang pagsisikap niya an makabuo ng mga flash fiction upang makaaliw ng kanyang mga mambabasa.
(Kung ano ang flash fiction o dagli, ibabahagi ko sa susunod na labas...)
Isa ako sa mga masugid na tagasubaybay ng mga isinusulat ni Eros at hindi naman ako nabibigong maaliw sa pagbasa ng kanyang mga bagong aklat na inilalabas. Kung isa kang masugid na mambabasa ni Eros, makikita ninyo ang pinakaiba niya kay Bob Ong at masasabi mong nag-iisa lamang siya pagdating sa kanyang mga isinusulat. Kung ano pa ang mga aklat na ilalabas ni Eros, ANTABAYANAN!
Mga etiketa:
Aklat,
Dagli,
Eros Atalia,
Flash Fiction,
Intoy
SIMULA
Kamusta? Para walang paligoy-ligoy, ang dahilan ng pagbuo ng blog na ito ay upang ipakita sa mga tao sa internet kung anong mayroon sa Pilipinas na kapana-panabik pagdating sa mga print material tulad ng mga popular na aklat at komiks. Hindi dahil sa eksperto ako kaya ko ginawa ang blog na ito. Nais ko lang ibahagi sa iba ang mga popular na babasahin na makikita (at mababasa) sa Pilipinas.
Kung ano ang susunod kong post? Antabayanan!
Kung ano ang susunod kong post? Antabayanan!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)